MANILA, Philippines - Hinihinalang hinoldap at pinatay ang isang delivery boy na may bitbit na malaking halaga ng salapi na pang-ospital ng isa niyang kaanak, kahapon ng umaga sa Taguig City.
Nakilala ang nasawi na si Mauro Marcelino, 37-delivery boy ng isang restoran sa Makati at naninirahan sa Waterfun, West Service Road, Brgy. Signal Village, ng naturang lungsod.
Nabatid sa inis yal na ulat ng Taguig City Police, dakong alas-8:30 kahapon ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Marcelino sa may C-5 Road, Brgy. Pinagsama ng naturang lungsod.
Isang tama ng bala ng baril ang kumitil sa buhay ng biktima.
Hinala ng pulisya na maaaring bumaba pa ng kanyang motorsiklo at kinausap pa ng biktima ang salarin bago ito paslangin dahil sa nakatayo at umaandar pa ang makina ng sasakyan nang rumesponde ang mga awtoridad.
Isang baril na rebolber ang natagpuan ng pulisya ma lapit sa biktima.
Ayon naman kay Dencio Marcelino, kapatid ng biktima, inutusan nila na mag-withdraw sa banko ng P90,000 si Mauro na gagamitin nila sa pagpapaospital ng kanilang kapatid na lalaki na may sakit.
Hindi na matagpuan sa biktima ang umano’y pera na dala nito habang itinanggi ng mga kaanak nito na sa kanilang kapatid ang natagpuang baril.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng Taguig City Police sa naturang krimen upang mabatid ang tunay na naganap.