MANILA, Philippines - Tatlo katao ang namatay kabilang ang isang security guard at dalawa ang sugatan matapos maghagis ng granada ang mga suspek na nanloob sa isang jewelry at pawnshop, habang tinatakasan ang mga rumespondeng awtoridad kahapon ng hapon sa Sta. Cruz, Maynila.
Nabatid sa report na nakuha sa Manila Police District-PCP Gandara Police Inps. Rizalindo Morales Station 3, isa pa lang sa nasawing suspect ang na si Allan Macatimbel, 48, habang hindi pa nakikilala ang isa pang nasawing suspect.
Nakilala naman ang namatay na security guard na nakipagbarilan sa mga nasawing suspect na si Danny Orbe, 48,taga Camarin ,Caloocan at ng Speed Force Security Agency.
Dakip namang ang isa pang pang suspect na si Basir Basilon, 30, tubong Maguindanao at residente ng Western Bicutan, Taguig City.
Habang dinala naman sa Metropolitan Hospital ang mga sugatan na nakilalang si Marichel Atendido at Paraluma Predino.
Ayon kay Morales dakong alas-4:00 ng hapon ng pasukin ang Primarosa Pawnshop na pag-aari ng isang Rolly Estella, at Sisters Jewelry na pag-aari ng magkapatid na Ruth at Fatima Rebuyas na matatagpuan sa panulukan ng Rizal Avenue at Claro M. Recto Avenue, Sta. Cruz, Maynila.
Sinabi pa ni Morales na miyembro umano ng “Martilyo gang” ang mga nanloob na suspect,dahil sa istilo ng kanilang ginawang pangho-holdap.
Nabatid na nagawa umano ng biktimang si Orbe na makipagbarilan sa mga suspek, bagama’t tinamaan at bumagsak nagawa pa rin nitong mapaputukan ang isa sa mga nasawing suspect.
Nagawa namang makakulimbat ang mga suspect, at habang tinutugis ng mga tauhan ng Manila Police District, isa sa suspek ang naghagis ng granada at tinamaan ang dalawang babae.