Mister itinumba sa harap ni misis

MANILA, Philippines - Pinagtulungang saksakin at mapatay ng apat na kala­lakihan ang isang 32-anyos na mister sa harap mismo ng kanyang misis kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Commonwealth Hospital and Medical Center sa Fairview, Quezon City ang biktimang si Marlon Pragacha, driver at nakatira sa Phase 12 Block 20 Lot. 6 Barangay188.

Agad namang naaresto ang isa sa apat na suspek na si Francisco Reyes, 19, habang pinaghahanap naman ang tatlo pa na suspek na sina Dennis Eugenio, 24; Roy Viernes, 18; at Raymond Guinto na pawang mga vendor at mga resi­dente ng Sampaguita Street sa Barangay 185.

Sa ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa harap ng Ascoville MBRTODA Terminal sa Bgy. 185, Malaria ng Caloocan City.

Ayon sa asawa ng biktima na si Lennette, 25, nag-aabang sila ng pasahero nang bigla na lamang sumulpot ang apat na suspek na armado ng patalim at walang sabi-sabing pinagtulungan saksakin ang biktima.

Minalas naman si Reyes matapos madakma ng mga nagrespondeng barangay tanod.

Show comments