Kelot dumayo tigok

MANILA, Philippines - Patay sa saksak ang isang 29-anyos na lalaki na dumayo lamang sa San Miguel, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Marlon Medina, ng C-14 Doña Segundina Town Homes, Putatan, Muntinlupa City.

Wala namang nakuhang impormasyon ang awtoridad hinggil sa responsable sa krimen.

Dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Arlegue St., sa San Miguel, Maynila.

Isang Ariel Darilag na nagbibisikleta ang nakadiskubre sa duguang katawan ng biktima na nakabulagta sa kalye kaya iniangkas niya ito sa kan­yang bisikleta at dinala sa De Ocampo Hospital.

Binawian din ng buhay sa nasabing pagamutan ang biktima at hindi nagtagal ay kinuha ng kanyang kaanak sa di malamang kadahilanan at walang permiso mula sa mga awtoridad kaya’t malabong maimbestigahan ang insidente.

Nabatid na ang nasabing lugar ay pugad din ng mga ‘tulak­’ sa iligal na droga kaya may posibilidad na may kaugnayan sa droga ang pagkamatay nito.

Show comments