Biktima ng salvage natagpuan sa QC

MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na tadtad ng saksak at hinihinalang sinakal pa hanggang sa mamatay ang natagpuang nakadapa sa isang kalsada sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay PO3 Roland Bel­gica, dahil walang pagka­kakilanlan, isinalarawan ang biktima sa pagitan ng 40-45 anyos, may taas na 5’4”, ka­tam­taman ang panga­ngatawan, nakasuot ng itim na sando at kulay brown na short pants.

Bukod dito, tadtad din anya ng tato ang buong katawan ng biktima, kabilang ang tatong Guardian sa kanang balikat.

Ayon sa ulat, natagpuan ang bangkay ng biktima ng isang Patronilo Matres, driver ng Equinox Taxi habang nakadapa sa may Jocson St., Xavier Ville, Brgy. Loyola Heights ganap na alas-12:10 ng madaling-araw.

Ipaparada sana ni Matres ang taxi sa naturang lugar nang makita niya ang isang lalaki na nakadapa sa kalye. Nang kanyang tingnan ay nagulat na lang ito na isa na itong malamig na bangkay. Agad niyang ipinabatid ang natuklasan sa awtoridad.

Sinabi pa ni Belgica, nakatarak pa ang icepick sa dibdib ng biktima nang matagpuan ito sa naturang lugar.

Show comments