MANILA, Philippines - Hiniling sa korte ng mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao massacre na sibakin sa puwesto ang warden ng Metro Manila District Jail sa Taguig City kung saan nakaditine ang mga akusado partikular ang pamilya Ampatuan.
Sa pagpapatuloy sa pagdinig kamakalawa, hiniling ni Private Prosecutor Nena Santos kay Judge Jocelyn Reyes-Solis ng Quezon City Regional Trial Court na tanggalin sa puwesto si Jail Sr. Insp. Edgard Bernardino Camus dahil sa pagbibigay umano ng higit na prayoridad sa mga akusado sa halip na sa mga kapamilya ng mga biktima sa kanilang pasilidad kung saan dinidinig ang kaso.
Partikular na tinukoy ni Santos ang kawalan ng “holding area” na may sapat na seguridad para sa mga saksi na naghihintay ng kanilang pagkakataon na masalang sa pagdinig. May pagkakataon pa umano, sinabihan pa ni Camus ang isang grupo ng mga saksi at ang mga bantay ng mga ito na maghintay na lamang sa labas ng pasilidad habang tumatakbo ang pagdinig. Iginiit ni Santos na delikado umano ang ginawang iyon sa mga saksi na malantad sa labas.
Inihayag din ni Santos ang pangamba sa maluwag umanong seguridad sa mga Ampatuan na hinahayaang makalabas-masok sa court room isang pinto na malapit sa lugar ng huwes. Iginiit ni Santos na mas mahigpit pa umano sa kanila ang mga tauhan ng Quezon City Jail Annex kaysa sa mga akusado.
Nagpadala na rin ng liham ukol sa naturang reklamo si Santos sa Department of Interior and Local Government nitong nakaraang Setyembre 8 ukol dito.
Tanggap naman ni Camus ang suhestiyon na mapalitan na siya ngunit itinanggi ang mga akusasyon sa kanya ni Santos.