Bebot tinodas habang natutulog

MANILA, Philippines - Patay ang isang 32 -anyos na bebot nang barilin ng hindi pa nakikilalang suspect habang natutulog sa loob ng kanyang kuwarto sa Binondo, Maynila kamakalawa ng gabi. Hindi na umabot pang buhay sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Rosalie de Guzman ng Gate 58, Parola compound, Binondo Maynila sanhi ng tama ng bala sa katawan. Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa suspect na tumakas­ matapos ang pamamaril.

Sa report ni Det. Jose Gumilan ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-10:30 ng gabi nang naganap ang pamamaril sa loob ng kanilang bahay. Ayon sa kapitbahay na si Vivian Real, 44, nakarinig ito ng tatlong sunud-sunod na putok sa loob ng bahay ng biktima pero sa imbestigasyon ng pulisya ay isang tama lamang ng bala ang tumama sa dibdib nito. Narekober sa kuwarto ng biktima ang mga drug paraphernalia kaya inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa droga ang pagpatay dito.

Show comments