MANILA, Philippines - Nangangamba ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa panganib na maaaring idulot ng mga higanteng billboards ngayong pagragasa ng bagyong Pedring at mga susunod pang bagyo dahil sa hindi nila maaaring itiklop ang mga ito base sa umiiral na “temporary restraining order (TRO)” na inilabas ng Makati Regional Trial Court laban sa kampanya sa iligal na billboards.
Ipinaalala ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang mga naganap noong bagyong Milenyo na tumama sa Metro Manila noong 2006 kung saan nagbagsakan ang mga puno at mga billboards na dahilan ng pagkawasak ng mga ari-arian at pagkawala ng buhay ng ilan.
Noong nakaraang buwan, sa kasagsagan ng bagyong “Mina”, isang lalaki ang nasawi habang walo ang nasugatan nang bumagsak ang isang billboard structure sa kahabaan ng Quirino Highway, Novaliches, Quezon City dahil sa malakas na ulan at mahinang imprastruktura.
Naglunsad nitong mga nakaraang buwan ang MMDA ng operasyon laban sa mga iligal na billboards na lumalabag sa National Building Code of the Philippines ngunit pinahinto ito nitong Setyembre 1 ni Judge Elpidio Calis ng Makati Regional Trial Court Branch 133 na naglabas ng TRO laban sa kampanya ng MMDA.
Nagsumite kahapon ng “urgent motion” ang MMDA sa naturang korte upang agad na payagan na pansamantalang itiklop ang mga naglalakihang billboards sa lansangan sa pagragasa ng bagyo.
Sinabi ni Tolentino na umaasa siya na mapagbibigyan ni Judge Calis kapag nakita ang mga merito na pagpigil sa posibleng mga aksidente sa ari-arian at buhay na maaaring idulot ng pagbagsak ng mga billboards.