MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pangamba ang isang konsehal ng Maynila na posibleng maabuso ang pagbibigay ng reward sa mga pulis na makakahuli ng user at pusher ng mga illegal na droga.
Ayon kay Manila 3rd District Councilor Re Fugoso, posibleng manghuli ang mga pulis ng isang ordinaryong sibilyan o hindi naman ‘tulak’ upang makakuha lamang ng reward.
Bagama’t magandang insentibo ito para sa mga pulis, hindi naman umano tama na maging daan ito upang maisakatuparan ang personal na alitan.
Sinabi ni Fugoso na mas makabubuti kung magkakaroon ng koordinasyon ang barangay officials, Philippine Drug En forcement Agency (PDEA) at ang mga pulis upang agad na masugpo ang paglaganap ng mga illegal na droga.
Aniya, madali namang matutukoy ang mga ito sa barangay level dahil alam ng mga barangay officials kung sino ang gumagawa ng iligal sa kanyang nasasakupan.
Una nang sinabi ni Manila Information Bureau chief at Chief of Staff Ric de Guzman na hindi naman kailangan ang reward sa makakahuli ng user at pusher dahil tungkulin na ito ng mga pulis.
Aniya, dapat na paigtingin ng mga pulis ang kampanya upang tuluyang masawata ang iligal na droga hindi lamang sa lungsod ng Maynila kundi sa buong bansa.