Sekyu dedo sa boga

MANILA, Philippines - Isang security guard ang nasawi makaraang barilin sa harap ng kanyang mga kaibigan ng hindi nakilalang salarin matapos dumalo sa isang binyagan sa may loob ng University of the Philippines (UP) campus sa lungsod Quezon, kamakalawa. Kinilala ang nasawi na si Eduardo Cidad, security guard sa ilalim ng Masada Security Agency at naka­talaga sa National Housing Authority (NHA). Si Cidad ay idineklarang patay sa East Avenue Me­dical Center matapos pagba­barilin sa harap ng Green Palm Garden na matatagpuan sa C.P. Garcia St., UP Campus, Diliman, ganap na alas-5:15 ng hapon. Sa ulat, nangyari ang pamamaril habang ang biktima ay naglalakad papauwi kasama ng kanyang mga kaibigan sa nasabing lugar matapos na dumalo sa binyag ng anak ng kanilang kaibigan. Nang pasakay na ang biktima ng taxi, biglang sumulpot ang suspect at biglang binaril ito, saka mabilis na tumakas. Nagawa pang maitakbo sa naturang ospital ang biktima subalit idineklara rin itong patay. 

Show comments