MANILA, Philippines - Balik-selda na ang apat sa siyam na pugante sa himpilan ng Quezon City Police District (QCPD) Station 5 sa Fairview matapos ang walang humpay na pagtugis simula nang tumakas ang mga ito noong Miyerkules ng madaling-araw.
Ayon kay Supt. Edgardo Pamittan, hepe ng PS5, pangunahing naaresto ang tinuturing na lider na si Pedro Perez at kasamahan sina Russel Catintay, Romulos Bagnate at Joel Gorobot.
Si Perez, Catintay at Bagnate ay nadakip sa may Purok 1, Silangan Village, San Mateo Rizal, ganap na alas-6 ng gabi habang si Gorobot ay naaresto rin sa naturang lugar pasado ala-1:00 ng madaling-araw.
Ayon sa kanila, napilitan lang silang tumakas dahil nami-miss na nila ang kanilang pamilya na hindi dumadalaw sa kanila.
Patuloy naman ang manhunt operation sa natitira pang pugante na sina Richard Santos, Severilio Soriano, Richard David, Ernesto Ramasanta at Alex Francisco.
Maaalalang nagawang makapuga ng mga suspect sa nasabing himpilan sa pamamagitan ng paglagare sa isang pirasong rehas ng window grill na may 10 talampakang taas.
Isasailalim naman sa pagsisiyasat ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Division ng QCPD ang mga duty desk officer na sina SPO2 Paligutan at mga jail guards na sina Romeo Guerrero at PO3 Manuel Ireneo para mabatid kung ano ang kanilang pagkakamali at nagawa silang matakasan ng mga preso.