MANILA, Philippines - Kapwa kalaboso ang isang ama at kinakasama nito matapos nilang pagtulungang gulpihin ang 5-anyos na anak na babae ng una dahil lamang sa naingayan ang mga ito sa iyak ng paslit, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakakulong sa Caloocan City Police detention cell ang suspek na sina Marlon Fernandez, 30; at kinakasama nitong si Mary Joy Galang, 25, kapwa ng Malvar, panulukan ng Levile Cruz Sts., Brgy. 143, ng nasabing lungsod. Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Child Abuse o RA 7610.
Sa report ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Caloocan City Police, dakong alas-9:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng mga suspek.
Nabatid na umiiyak ang batang si Jopay, ’di-tunay na pangalan, dahil sa hinahanap nito ang kanyang tunay na nanay na si Marife Rollon, 23.
Nabatid na ang biktima ay anak nina Fernandez at Rollon. Naingayan ang mga suspek sa pag-iyak ni Jopay at sa halip na aluhin upang patahimikin ay pinagtulungan ng mga itong bugbugin ang bata.
Kinabukasan, nagpunta si Rollon sa bahay ng mga suspek para kunin ang anak subalit nakita nito na puno ng pasa at galos ang buong katawan ng bata.
Nang tanungin ng nanay ang anak kung ano ang nangyari rito ay sinabi ng biktima na pinagpapalo siya at sinampal ng mga suspek kaya’t agad itong dinala ng kanyang ina sa Pres. Diosdado Memorial Macapagal Hospital.
Hindi rin pinalagpas ni Rollon ang ginawa ng mga suspek sa kanyang anak at nagsumbong ito sa barangay tanod na naging dahilan upang arestuhin sina Fernandez at Galang.