MANILA, Philippines - Pinag-aaralan ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang posibilidad na armasan ang kanilang mga traffic enforcers dahil sa umano’y panganib na sinusuong ng mga ito araw-araw buhat sa mga barumbadong mga motorista.
Sinabi ni Tina Velasco, tagapagsalita ng MMDA, pinarerebisa na ni Chairman Francis Tolentino ang dating mga panukala na armasan ang mga ito upang mapag-aralan at maisulong sa administrasyong Aquino kung magiging balido.
Matatandaan noong taong 2007, ipinanukala ni dating Chairman Bayani Fernando na armasan ng itak ang kanilang mga enforcers upang maipanlaban sa mga kutsilyo at tubo ng mga abusadong drivers.
Minsan na umano niya itong nagawa sa lungsod ng Marikina na naging matagumpay naman umano.
Gayunman, nilinaw ni Velasco na sakaling matuloy ang pag-aarmas ay piling traffic enforcers lamang ang masasaklaw nito bilang bahagi na rin ng public safety mandate ng MMDA.
Kasunod ang naturang panukala ng naganap na pamamaril sa traffic enforcer nilang si Larry Fiala ng motoristang si Edward John Gonzalez nitong Miyerkules ng gabi sa EDSA, San Juan City.
Depensa ni Velasco na hindi naman sila nag o-over-react sa nangyari subalit kailangan ding protektahan ang kaligtasan ng kanilang mga traffic enforcer habang tumutupad ang mga ito sa tungkulin.