Mag-asawang trader niratrat, hinoldap

MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nasawi habang malubha namang nasugatan ang misis nito matapos na paulanan ng bala ng tatlong armadong suspect sakay ng isang motorsiklo kahapon ng tanghali sa lungsod Quezon.

Sa inisyal na ulat ni Supt. Marcelino Pedroso, hepe ng Quezon City Police Station 4, dead-on-the-spot sa tama ng bala sa ulo ang biktimang si Agustin Cusay, habang ginagamot naman sa Bernardino Hospital ang misis nitong si Jocelyn dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Ang mag-asawa ay sina­sabing may-ari ng AJJ junkshop at naninirahan sa Veterans Village, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Samantala, mabilis namang tumakas ang mga suspect sakay ng TMX motor­cycle na walang plaka­.

Nangyari ang insidente sa may East Berkeley St., California Village, Brgy. San Bartolome, Novaliches sa lungsod ganap na alas-12:15 ng tanghali.

Diumano, sakay ng kanilang silver Mitsubishi Adventure (ZMJ-832) ang mag-asawa nang biglang harangin ng mga suspect sakay ng motorsiklo.

Mula rito ay bumaba ang back rider at nilapitan ang sasakyan ng mga biktima kung saan tinangka pang buksan ni Agustin ang pinto subalit pinagbabaril na ito ng suspect kasunod ang kanyang asawa.

Matapos ay kinuha ng mga suspect ang dalang bag ng mga biktima, saka muling sumakay sa motorsiklo at nagsipagtakas.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments