MANILA, Philippines - Hindi inakala ng isang empleyado ng travel agency na tototohanin ng isang Japanese national ang pagpapakamatay matapos na madiskubre ang bangkay nito sa loob ng isang 5-star hotel sa Maynila.
Sa ulat ni PO2 Jupiter Tajonera ng Manila Police District-Homicide Section, may ilang oras nang patay ang biktimang si Sugao Hara, 59.
Dakong alas-10:50 kamakalawa ng umaga nang pwersahang pasukin ang silid ng biktima dahil hindi umano tumutugon sa mga katok ng chambermaid na si Janneth Quintana.
Iniutos na umano ng hotel supervisor ang paggamit ng bolt cutter sa chain lock ng pintuan at nang usisain ang comfort room ay nakitang nakabigti si Hara gamit ang pinagkabit na kumot at sinturon.
Nabatid din na madalas na dinadaing ng biktima ang ma tinding pananakit ng kanyang tiyan subalit tumatanggi naman itong magpasuri sa hotel physician na si Cathy Azones.
Lumilitaw naman sa pahayag ni May Manalo ng Croswin Travel Agency na kasama niya noong Agosto 21 sa firing range ng Villamor Air Base sa Pasay City ang biktima at sinabing barilin siya (biktima) at babayaran siya ng malaking halaga dahil na rin sa matinding pananakit ng tiyan.
Inakala ni Manalo na nagbibiro lamang ang biktima kung kaya’t hindi naman niya ito pinansin. Laking gulat na lamang niya nang malamang nagsuicide ito.
Nakipag-ugnayan na ang MPD-Homicide Section sa Japan Embassy para sa kaukulang aksiyon para sa kanilang mamamayan.