MANILA, Philippines - Magpapatupad ng re-routing sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod ng Maynila ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng isasagawang “Alay Lakad Para sa Kabataan” bukas.
Ayon sa MMDA, aabot sa 500,000 hanggang 800,000 katao ang sasama sa naturang pagtitipon kaya kinakailangan na maisara ang mga kalsadang daraanan ng Alay Lakad upang matiyak ang seguridad nito.
Dakong alas-4 ng madaling araw ng Linggo uumpisahang isara ng MMDA ang north at southbound lane ng Roxas Boulevard mula Anda Circle hanggang President Quirino Avenue, P. Burgos mula Roxas Blvd. hanggang Lagusnilad east at westbound, T.M Kalaw mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue, at Ayala corner Finance Avenue.
Inabisuhan ang mga motorista na dumaan sa alternatibong mga ruta. Lahat ng behikulo na nais dumaan ng Roxas Blvd. ay dapat kumanan sa P. Ocampo o President Quirino, kaliwa sa Taft Avenue hanggang destinasyon. Ang mga galing naman ng norte na nais dumaan ng Roxas Blvd. ay dapat lumiko sa A. Soriano street padiretso ng Magallanes Drive, kanan sa P. Burgos at diretso sa Lagusnilad hanggang Taft Avenue.
Lahat naman ng pampublikong jeep na bumibiyahe ng A. Mabini street ay inaabisuhang kumanan sa Pedro Gil o sa UN Avenue saka kumaliwa sa Taft Avenue.
Ang mga behikulo naman na galing ng MacArthur, Jones at Quezon bridge na patungo ng Roxas Boulevard ay pinapayuhang dumiretso sa Lagusnilad hanggang Taft Avenue habang ang mga patungo naman ng Intramuros ay pinakakanan sa Victoria street.