MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 500 kilo ng double dead meat o ‘botcha’ ang nakumpiska sa mga vendor sa Divisoria, Maynila kamakalawa ng gabi .
Ayon kay Dr. Hector David Dimaculangan ng Manila Veterinary Inspection Board, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga ‘’botcha na ibinebenta sa Divisoria market kung saan agad silang nagsagawa ng inspeksiyon, natagpuan nila ang apat na sako ng double dead na baboy na nakatago sa isang kariton sa palengke.
Wala namang umamin kung kanino ang karne na maputla at mayroon ng mabahong amoy.
Sinabi ni Dimaculangan na marami pa rin ang nagbebenta ng botcha dahil maliit lamang ang multa at parusa na umaabot lamang sa P1,000- P5,000 na may pagkabilanggong ng hanggang anim na buwan.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang MVIB kung saan nanggaling ang naturang karne.
Muling pinayuhan ng MVIB ang publiko na suriin ang binibili nilang karne at bumili lamang ng karne na may certification stamp.