Manliligaw ni misis, tinodas ni mister

MANILA, Philippines - Isang 23-anyos na janitor ang napatay ng isang miyembro ng demolition team makaraang matiyempuhan ng huli ang pagbisita ng una sa kaniyang misis sa pinapasukang restaurant sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Abad Santos Mother and Child Hospital ang biktimang si Rodel Pereira, janitor sa supermarket sa Balintawak, sa Quezon City at residente ng Block 9 Baseco compound, Tondo sanhi ng tinamong saksak sa katawan.

Naaresto naman ng barangay volunteer ang suspect na kinilalang si Juanito Perol, 30, at residente ng Samson Road, Balintawak, Quezon City.

Sa ulat ni PO3 Alonzo La­yugan, dakong alas-8:55 ng gabi kamakalawa nang maganap ang insidente sa kanto ng Salazar at Benavidez Sts., sa Binondo, Maynila.

Patungo umano sa Quan Yen Chy restaurant sa Salazar St.,Binondo ang suspect para puntahan ang misis na si Ame­lita Perol, 24, nang mamataan na galing doon ang biktima.

Agad itong nilapitan ng suspect at mabilis na inundayan ng dalawang saksak sa katawan bago nagtangkang tumakas pero nahabol at nahuli rin ng barangay volunteer.

Nabatid na pinagseselosan umano ng suspect ang binata mula nang mabalitaang nanli­ligaw sa kanyang misis. Hiwalay na umano ang suspect sa misis matapos ang 2-taong pagsasama dahil sa pambubugbog ng suspect at paggamit ng iligal na droga. Nitong huli ay nabalitaan din ng suspect na nakikipag-live-in ang misis sa biktima.

Show comments