MANILA, Philippines - Isang security guard ang nasawi makaraang pagbabarilin ng isang naka-motorsiklong lalaki habang ang una ay nagbabantay sa isang subdibisyon sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Rolando Apalia, 48, ng Regent Security Agency and Protective Services Inc. at residente ng Mayhaligue St., Tondo, Manila.
Patuloy naman ang pagsisiyasat ng pulisya upang matukoy ang salarin na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang pamamaril.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa may Block 5, Lot 25, North Subdivision, Brgy. North Fairview sa lungsod ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.
Ayon kay Junelo Powao, nasa loob siya ng bahay ng marinig niya ang mga putok ng baril kaya nilabas niya ito kung saan sa di kalayuan ay nakita niya ang isang lalaki na nagmamadaling sumakay sa isang Furry Kawasaki motorcycle at pinaharurot ito papalayo. Ilang sandali pa ay natagpuan na lang niya ang biktima na duguan at nakahandusay.
Samantala, blanko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na krimen.