MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang nalunod ang 8-taong gulang na batang lalaki na naligo sa ilog noong Biyernes ng hapon at lumutang lamang ang bangkay sa Pasig River, sakop ng Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Sr. Insp. Armand Macaraeg ang biktimang si Eman Eric Carsolin, grade 3 student, at residente ng #505 Sampaguita St., Punta, Sta. Ana, Maynila.
Sa ulat ni SPO3 Gerry Rivera, dakong alas-9 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima at iniahon ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, na nakatalaga sa PUP Ferry Station.
Positibong kinilala si Carsolin ng kanyang ama. Aniya, noong Biyernes dakong alas-3 ng hapon ay nalaman nilang nagtungo umano sa ilog ang biktima upang maligo. Hindi na umano umuwi ito ng bahay.
Dinala ang bangkay sa Saint Harold Funeral Homes.