MANILA, Philippines - Nadakip ang dalawang kalalakihan kabilang ang isang bagitong pulis sa isang entrapment operation matapos mahulihan na nagbebenta ng mga nakaw na motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakakulong sa Caloocan City Police detention cell ang mga suspect na sina PO1 Eduardo Lomboy Jr., 29, nakatalaga sa Public Safety Battalion ng Southern Police District (SPD) at Jerome Aniscal, 25, kapwa naninirahan sa Block 17, 7th St., Zone 1C, Brgy. Bicutan, Taguig City.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni PO2 Pidencio Saballo, Jr., ng Caloocan City Police, dakong alas-7:30 ng gabi nang maaresto ang mga suspect sa harapan ng Sogo Hotel, matatagpuan sa kahabaan ng EDSA, Caloocan City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Anti-Carnapping Unit ng Caloocan City Police hinggil sa pagbebenta ng nakaw na motorsiklo ng mga suspect.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer at nang inabot na ng mga suspect ang pera bilang kabayaran sa ibinebentang nakaw na mga motorsiklo ay agad na dinakma ang mga ito ng mga nakakubling pulis.
Sa himpilan ng pulisya, saka lamang nalamang pulis ang suspect na si Lomboy matapos itong makuhanan ng identification card at ang service pistol nito.