MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng isang ex-convict na tinaguriang tirador ng mga dentista matapos madakip sa inilatag na operasyon ng mga operatiba ng Na tional Capital Regional Police Office kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Kinilala ni NCRPO Director Allan La Madrid Purisima ang suspek na si Albert Galang Dela Cruz, 32, ng Pilar Village, Las Piñas City.
Si Dela Cruz ay isinasangkot sa panloloob at panghihipo sa mga dentista sa ibat’ ibang bahagi sa Metro Manila at karatig pook.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Marry Anne Rivera ng Branch 48 Regional Trial Court ng San Fernando, Pampanga, naaresto ang suspek sa kanyang tirahan sa nasabing lugar dakong alas-5:30 ng umaga.
Sa record ng pulisya, ang suspek ay nakulong sa Bureau of Correction noong 2004 sa kasong robbery at nakalaya lamang noong 2009.
Unang nadakip ang kasabwat ni dela Cruz na si Ronald Bulalacao Policarpio sa Barangay Silangan, Quezon City noong Agosto 24 dahil na rin sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court Branch 85.