MANILA, Philippines - Aabot sa mahigit 5 milyong pisong halaga ng ari-arian ang naabo sa magkasunod na sunog na naganap sa Valenzuela City kahapon.
Sa unang insidente nasunog ang Home Base Company, isang Furniture Establishment na pag-aari ng mag-asawang Dee, kapwa Chinese trader sa Lambada St., Don Pablo Subdivision, Valenzuela City, dakong alas-8:55 kamakalawa ng gabi.
Tumagal ng apat na oras ang sunog, bago naapula ang malakas na apoy dakong alas-12:56 kahapon ng madaling araw kung saan tinatayang aabot sa P3 milyon halaga ng mga ari-arian ang naabo.
Dakong alas-8:00 kahapon ng umaga nang tupukin naman ng apoy ang isang residential area sa Brgy.Balangkas, sa nabanggit ding lungsod.
Nabatid na mahigit sa 80 pamilya ang nawalan na tahanan, samantalang tinatayang mahigit sa P2 milyon ang halaga ng mga ari-arian ang nilamon ng apoy.
Wala namang iniulat na nasawi, habang patuloy na iniimbestigahan ng mga arson investigator ang nasabing insidente.