MANILA, Philippines - Nakagapos ang mga kamay, may tapal ng packaging tape ang mga bibig at may mga saksak ang katawan.
Ito ang karumal-dumal na kalagayan ng tatlong kalalakihang natagpuang walang buhay habang magkakasamang nakasilid sa isang itim na garbage bag sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Sa ulat ni PO3 Modesto Juanson, ng CIDU ng QCPD, ang mga biktima na pawang walang pagkakakilanlan ay pawang mga nasa edad na 40-45; may mga tattoo ng spider sa kanang kamay ang isa, habang tattoo naman sa kaliwang braso ang isa pang biktima.
Ayon kay Juanson, ang mga biktima ay natagpuan ng isang mangangalakal ng basura na si Reynaldo Orqueza matapos na itapon umano ito ng isang van sa may madilim na lugar sa kanto ng Mindanao Avenue at Road 8, Brgy. Pag-asa sa lungsod, ganap na alas-3 ng madaling-araw
Sinasabing sakay ng kanyang bisekleta si Orqueza at tinatahak ang naturang lugar nang mapuna ang isang van na nagtapon ng basura dito.
Sa laki ng garbage bag na itinapon, unang inakala ni Orqueza na basurang maraming mapapakinabangan ang laman nito, subalit nang kanyang tingnan ay nagulat na lamang ito ng mapuna ang naka-usling paa ng tao na pawang duguan.
Agad na ipinaalam ni Orqueza ang nasaksihan sa opisyales ng barangay na siya namang humingi ng ayuda sa pulisya para sa masusing pagsisiyasat. Dito ay natuklasan ang bag na naglalaman ng mga bangkay ng biktima na duguan at magkakapatong.
Hinala ng pulisya, posibleng ang mga biktima ay pinatay sa ibang lugar at itinapon lamang dito para iligaw ang imbestigasyon. Sa kasalukuyang patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente.
Samantala, isang 30-anyos na lalaki na pamangkin ng isang mamamahayag na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa kalye sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Frederick Suay, ng Flores St., Ermita at pamangkin ng repor ter na nakatalaga sa MPD Press Office na si Alex Balcoba.
Dakong alas-10:00 ng gabi ng Martes nang mapansin ng isang basurero ang bangkay na nakabulagta at duguan.
Sa pagsusuri, nakita na nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa mukha at lumusot sa kanang sentido at tama rin ng bala sa likod.
Sa pahayag ni Balcoba, sinabi sa kaniya ng mga magulang ng biktima, na sina Primitivo Suay, 58 at Blesilda Suay, 53, tatlong araw na ang nakalipas nang arestuhin umano ang biktima ng mga pulis. Hindi naman umano kilala ang mga pulis at kung saan nakatalaga dahil ibinalita lamang ito sa kanila ng mga kaibigang nakakita. (Ludy Bermudo)