Nurse todas sa tren

MANILA, Philippines - Isang 23-anyos na nurse ang namatay nang mahagip ng isang rumaragasang tren ng Philippine National Railway (PNR) kung saan ay tumilapon pa ito at nabagok ang ulo kahapon ng umaga sa Paco, Maynila.

Dead on arrival sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Gresin Gregori Gumban, nurse sa Makati Health Spe­cialist, at residente ng Fabio Subd., Paco.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Mario George, dakong alas-6:20 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa Pedro Gil St., malapit sa station ng Paco sa North Bound lane ng riles ng tren galing Alabang patungong Tutuban.           

Naglalakad umano ang biktima papunta sa Paco Station para mag-abang ng tren patungong South Bound lane habang bitbit nito ang kanyang bag pack nang mahagip ito ng rumaragasang tren na may body number 202.

Tumilapon ng may ilang metro ang layo sa pinang­yarihan ng insidente ang biktima at nabagok ang ulo nito sa riles ng tren na nagresulta sa kanyang kamatayan.

Show comments