MANILA, Philippines - Kapwa napatay ng nagrespondeng mga pulis ang dalawang lalaki na nangholdap sa isang taxi driver kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Ang mga suspek na kapwa hindi pa nakikilala ay namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente bunga ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan. Nasamsam sa mga ito ang 2 kalibre .38 baril pati ang dala nilang patalim.
Base sa pahayag ni Edwin Morales, 48, driver ng R&E taxi, pinara umano siya ng dalawang suspek sa tapat ng Sandiganbayan sa Commonwealth Avenue dakong alas-3:00 ng madaling-araw at nagpapahatid sa Project 4, QC.
Pagsapit umano nila sa Visayas Avenue, dito na nagdeklara ng holdap ang dalawang suspek at sapilitang kinuha sa driver ang kinita nito.
Sa puntong ito, namataan ng mga nagpapatrulyang tauhan ni Supt. Ferdinand Villanueva ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng QCPD ang komosyon sa loob ng taxi.
Bigla umanong pinutukan ng mga suspek ang papalapit na pulis at mabilis na pinaharurot ang taxi hanggang sa magkahabulan sa bahagi ng Tandang Sora.
Nang masukol ang mga suspek sa kanto ng Apollo at Mercury Sts. imbes na sumuko ay nakipagpalitan pa ang mga ito ng putok sa mga awtoridad na ikinasawi ng mga ito.
Pinalad naman na hindi tinamaan ang driver ng taxi na mabilis na nakalundag palabas habang nagkakabarilan.