MANILA, Philippines - Kabilang na rin ang lungsod ng Makati sa matinding tinamaan ng dengue makaraang kumpirmahin ng lokal na health officer na tatlong batang pasyente na ang nasasawi sa naturang sakit.
Sinabi ni Dr. Estella Barrios, Makati City health officer, na sa tatlong biktima, 3-anyos ang pinakabata rito at mga residente ng Brgy. Kasilawaan, Guadalupe at Singkamas.
Pinakahuling nasawi rito ang residente ng Brgy. Singkamas nitong buwan ng Hunyo.
Sa datos ng Makati Health Office, may kabuuang 239 kaso ng dengue ang naitatala sa lungsod mula Enero 1 hanggang Agosto 13 ngayong taon. Napakalaki umano ng itinaas nito dahil sa nakapagtala lamang ng 92 kaso sa kaparehong period noong taong 2010 ang Makati City.
Karamihan umano sa mga pasyente ay buhat sa mga barangay ng Guadalupe Nuevo, Guadalupe Viejo, Pembo at Poblacion.
Kasalukuyan, pinakamataas ang Quezon City sa bilang ng nasasawi dahil sa dengue na nasa 28 habang nakapagtala rin ang Muntinlupa City ng limang nasasawi at apat naman sa Las Piñas City.
Samantala, sa loob lamang ng 24 oras, umaabot sa 13 bata na tinamaan ng dengue ang isinusugod sa Quirino Memorial Medical Center
Ayon sa pamunuan ng QMMC, umaabot na sa 106 na bata ang nagsisiksikan sa pedia ward na ang pinakahuling kaso ay isang bata ang dinala sa pagamutan alas-4 ng madaling-araw kahapon
Sa 13 bata na isinugod sa pagamutan, lima rito ay agad na nakaratay sa pedia intensive care unit matapos makitang nasa stage 2 na ang sakit na dengue nito. (Danilo Garcia at Angie dela Cruz)