MANILA, Philippines - Hindi pa man natatamasa ang pagiging bagong laya, kamatayan ang sumalubong sa isang kalalayang bilanggo makaraang pagsasaksakin ng bagong lalaki ng kanyang dating kinakasama, kamakalawa ng gabi sa Pasay City. Nasawi sa Pasay City General Hospital ang biktimang nakilalang si Joel Cacayan, alyas “Jojo”, at naninirahan sa Brgy. 154 Sto. Nino, ng naturang lungsod.
Agad namang tumakas ang salarin na nakilalang si Domingo Jardio Jr., 37, ng Block 6 Lot 12 Kamagong St., Brgy. Sto.Nino, ng naturang lungsod. Sa ulat ng Pasay City Police, nakulong si Cacayan sa Pasay City Jail dahil sa kasong illegal possession of firearms at grave threats nang tutukan nito ng baril ang isa niyang kapitbahay may anim na buwan na ang nakakalipas.
Lumaya naman ang biktima nitong Agosto 16 at nagpa-inom sa kanyang mga kapitbahay sa loob ng kanyang bahay. Dito nito nalaman na may iba nang kinakasama ang dati niyang live-in partner na si Dovie Libo-on na matagal nang tumigil sa pagdalaw sa kanya sa kulungan. Nang malasing, tinungo na ng biktima ang bahay ng dating ka-live-in ngunit inabutan lamang ang suspek na si Jardio. Dito na nilusob ng biktima si Jardio gamit ang dalang patalim na tinamaan ng saksak sa braso. Nagawa namang makipagbuno ni Jardio at maagaw ang patalim hanggang sa siya ang makasaksak sa lumusob na biktima.