MANILA, Philippines - Kukuwestiyunin ng Metropolitan Manila Development Authority sa Mandaluyong Regional Trial Court ang umano’y ginawang “set-up” laban sa kanila ng isang higanteng kompanya ng sigarilyo na siya umanong nagbayad sa dalawang nadakip na smokers na nagsampa ng kaso laban ahensiya.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na kasama ito sa kanilang isusumiteng “motion for reconsideration” sa sala ni Judge Carlos Valenzuela bago matapos ang 20 araw na inilabas na “temporary restraining order (TRO)” ng korte na nagbabawal sa mga tauhan ng MMDA na manghuli sa mga naninigarilyo sa mga gilid ng kalsada.
Iginiit ni Tolentino na kanilang kukuwestiyunin sa korte ang sinseridad nina Anthony Clemente at Vrianne Lamson sa pagsasampa nila ng kaso laban sa MMDA gayung inamin umano sa isang programa sa telebisyon ng dalawa na inatasan at binayaran lamang sila ng kanilang kompanya ng sigarilyo na sadyang manigarilyo sa gilid ng EDSA sa tapat ng Farmers Market sa Cubao, Quezon City upang dakpin sila at pagmultahin.
May footage umano sila ng isang television station na ipiprisinta rin nila sa korte upang maging ebidensya nila na “set-up” lamang ang nangyari.
Bukod dito, igigiit rin ng MMDA na legal ang kanilang ginagawang panghuhuli dahil sa sakop pa umano ito ng Republic Act 7924 o ang MMDA Charter na nagbibigay ng mandato sa ahensya para sa promosyon at pangangalaga sa kalusugan ng publiko. Maikukumpara umano ang kampanya nila laban sa paninigarilyo sa paglilinis nila ng mga estero dahil sa parehong may kaugnayan ang mga ito sa kalusugan ng mga taga-Metro Manila.
Sa kasalukuyan, walang ibang magagawa ang MMDA kundi tumalima sa kautusan ng korte at saka na lamang aakyat sa mas mataas na hukuman kung pagbibigyan ng Mandaluyong RTC ang hiling ng mga complainant na magpalabas ng “permanent injunction” laban sa kanilang kampanya.