3-anyos patay sa baril ng sundalong kapitbahay

MANILA, Philippines - Patay ang isang 3-taong gulang na batang babae ma­karaang aksidenteng pumutok ang pinaglaruan umano nitong baril na pag-aari ng kapitbahay nitong sundalo, kamaka­lawa ng gabi sa Taguig City.

Isinugod pa sa Taguig-Pateros Hospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay sanhi ng tama ng bala ng kalibre .45 sa may kaliwang kilay ang biktimang nakilalang si Angel Ann Bunola, ng  Block 137 Lot 58 Purok I, Upper Bicutan, ng naturang lungsod.

Isinailalim naman sa para­f­fin test ng pulisya si Petty Officer 2 Gilbert Glian, 29, miyembro ng Philippine Navy na siyang may-ari ng baril upang tiyakin kung hindi siya nagpaputok ng baril

Batay sa tinanggap na ulat ni Taguig Police chief Sr. Supt. Tomas Apolinario, naganap ang insidente dakong alas-7:25 ng gabi sa loob ng bahay ng sundalo na katabing bahay lamang ng biktima.

Naging ugali na umano ng bata na maglaro sa loob ng bahay ng sundalo, kasama ang dalawang taon niyang kapatid na si Abegail at anak ng sundalo na si Mikaela, 11.

Kararating lamang umano ng sundalo sa kanilang bahay at ipinatong ang clutch bag na kinalalagyan ng baril sa ibabaw ng isang tool box saka lumabas. Dahil sa kur­yosidad, ginalaw ng biktima ang naturang clutch bag na nakita pa sa unang pagka­kataon ni Mikaela at nasaway ito.

Nang makalingat, muli uma­nong pinakialaman ng bata ang clutch bag hanggang sa isang putok ang pumailanlang at duguang nakita ang paslit na si Angel na may tama na ng bala sa ulo.

Show comments