MANILA, Philippines - Nagbantang kakasuhan ng betrayal of public trust ng Pro-Life Philippines ang pamunuan ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City kung papayagan ng nasabing unibersidad na idaos dito ang kontrobersyal na Kulo exhibit ni Mideo Cruz na umani ng batikos matapos lagyan ng ari at condom ang mukha ni Kristo.
Ayon kay Eric Manalang, president ng Pro-Life Philippines, isang government school ang UP na dapat pangalagaan ang usaping moralidad.
Bukod sa pagsasampa ng kaso, ikinakasa na rin ng naturang grupo ang kilos protesta para kalampagin ang pamunuan ng unibersidad.
Ayon kay Manalang, gagawin nila ang mga hakbang na ginawa nila sa CCP Complex kung saan napilitang itigil ang exhibit matapos batikusin ng iba’t ibang sektor maging ng Malakanyang ang naturang exhibit.
Pero ayon kay Manalang, tiwala ang kanilang hanay na hindi papayagan ng UP ang exhibit ni Cruz dahil maraming mga batang estudyante dito ang galing sa matuwid na religious upbringing.