MANILA, Philippines - Sugatan ang isang barangay kagawad makaraang holdapin at barilin ng riding-in-tandem kahapon ng tanghali sa Pasay City. Kinilala ang biktima na si Rolando Disaville, 42, ng Inocencio St., ng nabanggit na lungsod, ginagamot ito sa Manila Sanitarium Hospital sanhi ng tama ng bala sa kaliwang balikat at hita. Sa inisyal na report, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali sa JRL Eatery, sa kahabaan ng Inocencio St., ng nabanggit na siyudad. Nabatid, na habang nakaupo ang biktima sa nabanggit na lugar, hindi nito namalayan ang pagsulpot ng mga suspek na nakasakay sa isang kulay itim na motorsiklo. Bumaba ang mga suspek at pinaputukan ang nabanggit na biktima at sabay na kinuha ang kuwintas nito, duguang bumagsak ang biktima, dahilan upang isugod ito ng kanyang mga kaanak sa nabanggit na pagamutan habang mabilis namang tumakas ang mga suspek dala ang kuwintas ng nasawi na nagkakahala ng P50,000.