MANILA, Philippines - Pulitika ang isa sa mga anggulong tinitingnan ngayon ng pulisya sa pagpaslang sa isang staff ni Caloocan City Vice-Mayor Egay Erice kamakalawa. Kasabay nito bumuo ng Task Force Delana ang Criminal Investigation and Detection Group, Northern Police District at Caloocan City Police na siyang tututok sa imbestigasyon. Magugunitang pinagbabaril at napatay si Samuel Delana, 44, ng Phase 8-A, Bagong Silang ng nabanggit na lungsod kamakalawa dakong alas-10:15 ng umaga. Sugatan din sa insidente ang kasama nitong si Nelda Dioquino, 54. Lumalabas na namimigay ng polyeto ang mga biktima sa Phase 5 nang sumulpot ang hindi pa nakikilalang suspek at pagbabarilin si Delana sa dibdib at mukha habang nahagip naman ng bala si Dioquino sa kaliwang balikat. Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang dinala naman ang mga biktima sa Jose Rodriguez Hospital subalit hindi na umabot pang buhay si Delana.