MANILA, Philippines - Pitong miyembro ng notoryus na carjacking / bank robbery syndicates ang bumulagta matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at National Capital Region Police Office sa magkahiwalay na shootout sa Quezon City at Makati City kahapon ng madaling-araw.
Samantala, isa rin sa mga pulis ang nasawi sa engkuwentrong naganap sa Makati.
Dakong alas-4 ng madaling-araw ng makasagupa ng mga tauhan ng NCRPO ang Onad Gang sa open parking area sa kanto ng Urban St. at Buendia Avenue sa Makati City.
Dito iniulat na nasawi ang dalawang carjackers na ang isa ay kinilala lang sa alyas na Dave Garcia habang inaalam pa ang pangalan ng ikalawang nasawing suspect.
Isinugod naman sa Makati Medical Center ang mga sugatang pulis na sina P/Insp. Joselito Sabares, PO1 Mudzil Ali Balawag at ang isang hindi pa nakikilalang sibilyan na nadamay sa barilan. Nabatid na nalagutan ng hininga si PO1 Balawag dakong ala-1 ng hapon dahil sa tindi ng tama ng bala na natamo.
Ayon sa ulat lulan ang mga suspek ng isang silver Ford Escape (ZBX-640) na pinaniniwalaang karnap at dito unang nakasagupa ng mga tauhan ng NCRPO-Regional Police Intelligence Operations Unit. Dito rin tinamaan ang isa sa suspect na si Garcia. Hinabol naman nina Insp. Sabares at PO1 Balawag ang mga suspek hanggang sa makarating sa isang creek na malapit sa Makati City Central Post Office sa may Tindalo St. Brgy. San Antonio kung saan muling nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkasawi ng isa pa sa mga suspek at pagkasugat ng dalawang pulis at isang sibilyan. Napuruhan dito si Balawag na dahilan ng kanyang pagkasawi.
Halos kasunod ng insidenteng ito ang engkuwentro na naganap sa Quezon City kung saan limang hinihinalang carjackers ang napatay.
Sa ulat ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. George Regis hindi pa nakikilala ang mga nasawing suspect na pinaniniwalaang miyembro naman ng ‘Lintag gang’ na responsable umano sa serye ng carjacking incident sa Metro Manila at iba pang parte ng Luzon.
Naka-engkwentro ng mga suspects ang pinagsanib na tropa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Task Force Mavericks at QCPD sa may kahabaan ng Congressional Avenue Extension, sa lungsod ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.
Ang mga suspects base sa rekord ng CIDG ay remnants ng ‘Alvin Flores gang’ at pawang mga ex-convicts dahil labas-pasok na umano ang mga ito sa bilangguan.
Naganap ang engkwentro makaraang takasan ng mga suspect sakay ng dalawang behikulo, isang itim na Toyota Fortuner (NFO-492) at Toyota Innova (ZDX-875) ang checkpoint sa may Luzon Avenue, dahilan para habulin sila ng mga awtoridad.
Pagsapit sa Congressional Avenue Extension ay pinaputukan ng mga suspect ang mobile patrol car ng mga awtoridad, dahilan para gumanti ng putok ang mga huli na nauwi sa engkwentro.
Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok at nang mahawi ang usok ay nakita na lamang nakabulagta ang limang suspects at wala nang buhay.
Masuwerte namang walang nasugatan sa hanay ng mga operatiba maliban sa nagkabutas-butas na service vehicle nila dahil sa mga tama ng bala. Napag-alaman na karnap ang mga gamit na sasakyan ng mga suspect.
Bukod dito, narekober din sa lugar ang tatlong baby armalites at dalawang kalibre .45 baril na ginamit umano ng mga suspects.