MANILA, Philippines - Patay ang isang traffic enforcer makaraang tumilapon sa minamanehong motorsiklo na bumangga sa bangketa bago masagasaan ng isang Asian utility vehicle (AUV)habang hinahabol ng una ang isang traffic violator sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Enrique Viray, traffic enforcer ng Brgy. Ugong Norte at residente sa Pasig City.
Ayon ulat, dead on the spot sa lugar si Viray matapos na magtamo ng serious injuries sa buong katawan.
Nangyari ang insidente sa harap ng Mormon Church sa kahabaan ng Temple Drive sa Brgy. Ugong Norte, ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Sinasabing si Viray ay nasagasaan ng isang kulay gray na Toyota Innova (ZPY-550) na service ng Mormon Church at minamaneho ng isang Kermit Larson.
Nabatid na minamaneho ng mabilis ni Viray ang kanyang motorsiklo (1946-UI) sa naturang lugar dahil hinahabol nito ang isang sasakyang lumabag sa batas trapiko.
Gayunman, nasa mabilis na takbo si Viray nang bigla itong mapahinto matapos na humarang sa daraanan niya ang isang Innova na papalabas sa Mormon Church.
Masyado umanong nadiinan ni Viray ang preno ng kanyang motorsiklo sanhi para lumihis ito saka tumama siya sa bangketa. Dahil sa lakas ng impact, kumalas sa kanyang motorsiklo ang biktima papunta sa ilalim ng Innova dahilan para masagasaan siya nito at masawi.