2 sa 4 na nahuling carjackers, dawit din sa pagpaslang sa driver ng judge

MANILA, Philippines - Ang dalawang car­jackers na naunang naaresto ng mga operatiba dahil sa pang-aagaw ng isang SUV sa Mandaluyong City ay siya ring itinuturong suspect sa pagpatay sa driver ng isang judge matapos na tangayin din ang sasakyan nito sa lung­sod Quezon kamakailan.

Ito ang sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. George Regis matapos na makumpirma buhat sa mga testigo na sina Garry Ceriaco, 37 at Carlo Montalbo, 47, ang tumangay sa itim na 2010 Mitsubishi Monterosport (NGP-591) na pag-aari ni Pasay Judge Racquelen Vasquez noong nakaraang Biyernes.

Ayon kay Regis, itinuro ng mga testigo ang mga suspect na siyang pumatay sa driver ni Vasquez na si Marlon Quiocho, 33, na kanilang binaril matapos na tumangging ibigay ang susi ng nasabing sasakyan.

Dahil dito, dadagdagan ng panibagong kasong theft with homicide ang isasampang kaso laban sa mga suspect.

Sina Ceriaco at Montalbo, kasama sina Erick Equila, 31 at Reynaldo Peralta, 40, ay naaresto sa isang checkpoint sa D. Tuazon at Cuenco St., Brgy. Lourdes lungsod noong Lunes ng madaling-araw.

Sa interogasyon, inamin ng mga suspect na sila ang nasa likod ng pag-carjack sa Toyota Fortuner sa Mandaluyong na narekober naman sa isang car repair shop sa Barangay Old Balara.

Show comments