MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Quezon City Police (QCPD) ang apat na hinihinalang carjackers, kabilang ang isang Marine reservist na umano’y responsable sa serye ng carjacking incident sa Metro Manila matapos na masabat sa isang checkpoint sa La Loma sa lungsod kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Chief Supt. George Regis, QCPD Director, ang mga suspect na sina Garry Ceriaco, 37, Philippine Marine reservist; Erick Equila, 31; Reynaldo Peralta, 40, at Carlo Montalban, 47.
Ayon kay Regis, ang mga suspect ay naaresto ng Station Investigation and Intelligence Branch at Station Anti-Carnapping Unit sa kanto ng D. Tuazon St. at Cuenco St., Bgy. Lourdes, Quezon City habang lulan ng isang kulay puting Toyota Innova na peke ang plaka.
Natiyempuhan umano ang mga suspect habang nagsasagawa ng checkpoint ang tropa kung saan nagduda ang mga ito sa plaka ng sasakyan ng mga suspect na minamaneho ni Equila. Dahil dito agad na sinita ang mga suspect at nang walang maipakitang dokumento ay saka sila inaresto.
“Lalong naging matibay ang pagdududa ng ating mga kapulisan nang malamang ang plakang nakakabit sa hulihan ng sasakyan ay plaka na dapat ay sa truck, gayundin ng mapuna ang isa sa kanila na may nakaumbok na baril kaya sila inaresto,” sabi ni Regis.
Dito ay nagsimulang mag pakilala si Ceriaco bilang miyembro ng Marines ngunit sa ipinakitang identification card ay isa lamang siyang reservist.
Nakumpiska sa mga suspect ang .380 semi-automatic pistol ni Ceriaco at nang kapkapan sina Equila, Peralta at Montalban, sila ay nakumpiskahan ng tig-isang kalibre .38 “paltik”.
Sa ginawang interogasyon sa mga suspect, inamin ni Equila na kaka-carnap la mang nila sa isang Toyota Fortuner (ZLA 736) sa Mandaluyong City ganap na alas-12:05 ng madaling araw, kasabay ng pagkanta na itinago nila ito sa may isang auto repair shop sa Old Balara, Quezon City.
Agad na rumisponde sa auto repair shop ang mga operatiba at narekober ang Fortuner na pag-aari ni Anthony De Vera ng Mandaluyong City. Nabatid din ng QCPD mula sa LTO ang plakang nakakabit sa likuran bahagi ng Toyota Innova na (NNI-374) ay nakarehistro sa isang Isuzu cargo truck kung saan ito ay reported na ninakaw.
Ayon pa kay Regis, aalamin nila kung may kaugnayan umano ang mga suspect sa pinakahuling insidente ng carnapping incident sa Mitsubishi Montero na pag-aari ng isang judge sa Brgy. Tandang Sora, noong Hulyo 29 kung saan binagbabaril at napatay ang driver na si Marlon Quiocho, 33, ganap na alas-5:30 ng umaga.