MANILA, Philippines - Dalawang impormante na naging daan para mabuwag ang malawakang operasyon ng droga sa bansa ang ginawaran ng parangal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon sa national heaquarters nito sa lungsod Quezon.
Ang parangal ang personal na ipinagkaloob ni Vice-President Jejomar “Jojo” Binay at PDEA director General Jose Gutierrez Jr., sa mga impormanteng sina alyas Alex Chow at alyas Robert na binigyan ng tig-isang milyong piso bilang cash incentives.
Si Chow ang nakapagbigay ng impormasyon upang maaresto ang tatlong Chinese nationals at masamsam ang may 193.9 kilo ng shabu sa serye ng drug operation noong February 23-25, 2011.
Habang si Robert naman ay nakapagbigay impormasyon para mabuwag ang isang laboratoryo ng shabu sa Lipa City Batangas kung saan nasamsam ang may 6,260 miligram na dami ng liquid ng shabu noong February 25, 2011.
Ang pagbibigay parangal sa mga impormante ay bahagi ng programa ng PDEA sa kanilang ika-9 na taong anibersaryo na ginanap sa PDEA headquarters sa Nia Road, Brgy. Pinyahan.