18-anyos tumungga ng pabango, utas

MANILA, Philippines -  Sa pagpapatiwakal, pinili ng isang 18-anyos na babae na lagukin ang ‘I Love You’ perfume na nagsilbing mensahe ng kanyang pagmamahal sa ka-live-in na nabalitaan niyang may-asawa, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Rosie Buela, ng Gate 2 Parola Compound, Tondo, Maynila. Dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.

Nagdamdam umano si Buela sa nasagap na balita na may asawa na ang kanyang kinakasama na si Juan Sibay, 33, na posibleng dahilan ng pagpapakamatay nito.

Ayon umano kay Sibay, nagduda lang siya sa masyadong pananahimik at walang patid na paninigarilyo ng biktima habang nakaupo sa kanilang kama.

Hindi nagtagal ay bigla umanong inatake ng sunod-sunod na pag-ubo ang biktima kaya nilapitan niya ito at nakita sa tabi nito ang basyo ng maliit na bote ng pabango na may tatak na “I Love You” kaya kinabahan siya nang mawalan ng malay na agad dinala sa Gat Andres Bonifacio Hospital.

Gayunman, idineklarang dead on arrival sa nasabing paga­mutan­ ang biktima.

Show comments