MANILA, Philippines - Hindi pa nareresolba ang kaso ng carjacking incident sa lungsod Quezon, muli na namang sumalakay ang mga ito dito kung saan isang driver naman ng judge sa Pasay City ang nasawi matapos na pagbabarilin at saka inagaw ang bagong SUV na nililinis nito sa tapat ng bahay ng amo sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Ayon kay Inspector Elmer Monsalve, hepe ng homicide investigation section ng Quezon City Police District (QCPD), nakilala ang nasawi na si Marlon Quiocho, 33, family driver ng isang judge sa Pasay City.
Dead on the spot sa lugar si Quiocho matapos na pagbabarilin ng mga carjackers na nangyari sa harap ng bahay ng kanyang amo sa Geronimo Drive, Brgy. Tandang Sora sa lungsod, ganap na alas-5:30 ng umaga.
Natangay ng mga suspect sa biktima ang kulay itim na Mitsubishi Montero (NTO-591) na nakarehistro sa asawa ng naturang judge na isa ring abogado.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa ulo, balikat at sikmura na siyang agad na ikinamatay nito.
Naganap ang insidente habang hinuhugasan ng biktima ang sasakyan sa harap ng bahay ng amo. Sinasabing kadarating lamang ng biktima sa lugar matapos na ihatid ang among Judge sa airport at hinihintay ang mga anak ng biktima para ihatid naman sana sa paaralan.
Sinabi ng mga testigo, bigla na lamang umanong dumating ang dalawang lalake kung saan isa sa mga ito ang pilit na kinukuha ang susi sa biktima dahilan para pumalag ito hanggang sa pagbabarilin na siya ng mga una. Matapos ang pamamaril ay mabilis na sinakyan ng mga suspect ang SUV saka mabilis na pinaharurot ito papalayo sa lugar.
Ayon pa kay Monsalve, maaaring matagal ng minamanmanan ng mga suspect ang sasakyan dahil tila alam ng mga ito ang routine nito at kumukuha ng lang ng tiyempo na siyang nangyari kahapon.
Magugunitang naging biktima rin ng carjack at pagpatay si Teresita Teano na natangayan ng isang Hyundai Accent na kulay maroon sa may T. Gener St., corner Kamuning Road, Brgy. Kamuning na hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulutas.