Seaman binurdahan ng saksak ng kapwa seaman

MANILA, Philippines - Kababayan mula sa Ilocos, kasama pa sa tinutuluyang apart­ment at kapwa seaman ang itinuturong pumatay sa isa rin seaman sa isang burger stand sa Sampaloc, Maynila­ kahapon­ ng umaga.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Manila Police­ upang madakip ang suspect sa pagpatay sa biktimang si Bernardo Blanes, tubong Narvacan, Ilocos Sur at nanunuluyan sa 761 Don Quijote St., Sampaloc, Maynila.

Sa pamamagitan ng naiwang pasaporte, kinilala ang suspect­ na si Leopoldo Gallardo Jr. Sa ulat, bandang alas-7:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat ng isang burger stand sa panulukan ng Ma. Cristina at Loyola St., sa Sampaloc.

Nabatid na kasama ng biktima ang suspect at ilan pang kaibigan na kumain sa naturang burger stand at habang kumakain ay biglang tumayo ang suspect at mabilis na inundayan ng saksak sa tagiliran ang biktima.

Nakatakbo pa ang biktima ng ilang metro subalit sinun­dan­ pa ng suspect at ng makorner ay doon na ito tinadtad ng saksak sa katawan. Nabatid na 14 na saksak ang tinamo ng biktima na namatay noon din. Hindi pa matukoy ang motibo sa isinagawang krimen.

Show comments