MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na hindi lamang sa gamot, pasahe at sa mga restaurant maaaring makakuha ng discount ang mga senior citizen sa Maynila kundi maging sa mga produktong petrolyo.
Ayon kay Manila 4th District Councilor Don Juan Bagatsing, prayoridad ng lungsod ng Maynila na tutukan ang kapakanan at pangangailangan ng mga senior citizen tulad na rin ng ipinatutupad ngayon ng pamahalaan.
Layon ng kanyang isinumiteng ordinansa, na mabigyan din ng 20 porsiyentong diskuwento ang mga senior citizen ng mga establisimyento na nagbebenta ng anumang petroleum products na kinabibilangan ng gasoline, diesel at lubricants sa lungsod.
Gayunman, kailangang sakay ng pribadong sasakyan ang senior citizen na rehistrado sa Land Transportation Office (LTO) bukod pa sa pagpiprisinta ng kanilang ID na inisyu ng Office of Senior Citizen Affairs (OSCA).
Nilinaw din ni Bagatsing na hindi saklaw ng kanyang ordinansa ang mga nakasakay sa mga pampublikong sasakyan sa Maynila.
Posible namang patawan ng kaukulang parusa tulad ng pagbabayad ng P5,000 at pagkakakulong ng mula isa hanggang anim na buwan ang sinumang magsasamantala sa ordinansa sakaling maaprubahan ng konseho ng Maynila.