Manila, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang babaeng 5-buwang buntis, habang pinangangambahan namang maputulan ng mga paa ang live-in partner nito matapos masagasaan ng tren, habang natutulog sa riles, sa bahagi ng New Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Kaycee Bautista, 19, scavenger, habang ang live-in partner nitong si Augusto Alonzo, 20 ay nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) dahil sa nadurog na mga buto sa paa at posibleng tuluyang maputulan.
Batay sa ulat ng Manila Police District-Traffic Enforcement Group kay Chief Insp. Reynaldo Nava, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente habang mahimbing na natutulog ang dalawa at ginawa pa umanong unan ang riles ng tren nang hindi mamalayan ang pitada o busina ng tren na paparating na nagmula sa Tutuban.
Huli na nang bumalikwas at magtangkang umalis sa riles ang dalawa dahil nahagip sila at halos mahati ang katawan ng babaeng buntis habang paa naman ang inabot sa lalaki.
Mismong mga pasahero umano ng tren ang sumaklolo at nagdala sa pagamutan sa biktimang si Alonzo.
Ayon kay Nava, mahigpit na pinagbabawal ang pagtulog sa mga riles dahil sa panganib ng lugar.