MANILA, Philippines - Timbog ang isang binata matapos nitong saksakin sa ulo at mapatay ang alagang aso ng kanyang kapitbahay kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nakapiit ngayon sa Malabon City Police at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8485 o Animal Welfare Act of 1998 ang suspek na si Alex Hernandez, 18, ng Sitio 6, Brgy. Catmon ng nasabing lungsod.
Nagtamo naman ng bukol sa ulo si Arnold Deloraya, 48, may asawa, ng Sitio 6 ng nabanggit na barangay habang agad namang nasawi ang alaga nitong aso.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa labas ng bahay ni Deloraya.
Nabatid na lasing ang suspek at pinagbabato ang bahay ni Deloraya nang dumaan ito sa harap ng bahay ng huli.
Kung kaya’t kumahol ang aso ng biktima na lalung ikinagalit ng suspek at hindi nito tinigilan ang pamamato hanggang sa tinamaan sa ulo ang biktimang si Deloraya nang lumabas ito upang alamin kung sino ang bumabato ng kanilang bahay.
Hindi pa rito natapos ang pagwawala ng suspect kundi binalingan din ang kumakahol na aso at sinaksak sa ulo na ikinasawi nito.
Nadakip naman ang suspect ng mga nagrespondeng tanod na siyang nagdala dito sa himpilan ng pulisya.