MANILA, Philippines - Sugatan ang isang pulis at isang ‘tulak’ ng droga matapos magbarilan ang mga ito nang arestuhin ng una ang huli sa isang buy-bust operation na iniulat kahapon sa Navotas City.
Si PO3 Fidel Cabinta, nasa hustong gulang, nakatalaga sa District Anti-Illegal Drug-Northern Police District (DAID-NPD) ay kasalukuyang ginagamot sa Chinese General Hospital sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .38 baril sa kamay.
Naka-confine naman sa Tondo Medical Center (TMC) ang suspek na si Pedro Valentin, 47, ng Tanza Kaliwa, Brgy. Tanza na nagtamo naman ng tama ng .9mm caliber pistol sa katawan.
Ayon sa report ng DAIA-NPD, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga sa Tanza Kaliwa, Brgy. Tanza kung saan nagkaroon ng buy-bust operation ang mga pulis.
Nabatid na nagsasagawa ng drug operation ang mga pulis nang bigla na lamang barilin ng suspek si PO3 Cabinta dahilan upang ipangsangga nito ang kanyang kamay na siyang tinamaan ng bala.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok si Cabinta kung saan ay tinamaan naman sa katawan si Valentin hanggang sa kapwa isugod ang mga ito sa TMC, ngunit inilipat din ang sugatang pulis sa Chinese General Hospital.
Nakuha sa pag-iingat ni Valentin ang isang kalibre .38 baril at mga bala nito kung saan ay kasalukuyang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito habang nagpapagaling sa pagamutan.