MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila City Jailwarden P/Senior Supt. Ruel Rivera na patuloy ang manhunt laban sa kanyang tauhan na si JO1 Fredderick Borromeo na sinasabing nagtatago matapos ang pamamaslang sa administrative staff ni Manila Vice Mayor Isko Moreno.
Ang paniniyak ay ginawa ni Rivera matapos ang kautusang ipinalabas ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) chief Director Rosendo Dial na alamin ang mga posibleng pinagtataguan ni Borromeo.
Si Fredderick at kapatid nitong si PO3 Geoffrey Borromeo ang sinasabing bumaril at nakapatay kay Jonathan Ignacio noong Hulyo 7 sa mismong bahay nito sa Tondo, Maynila.
Nabatid na maging ang pamilya ni Borromeo ay wala na rin sa kanilang bahay sa Franco Street, Tondo, Maynila.
Igiit naman ni Dial na hindi nila kukunsintihin ng anumang ginawa ng kanyang tauhan kung kaya’t handa siyang isuko ito sakaling matagpuan.
Sinasabing gantihan ang motibo ng pamamaslang kay Ignacio matapos na makaaway ng kapatid nitong si Alexander ang kapatid ng mga suspek na si Serdeniel.
Ang magkapatid na Borromeo ay kinasuhan na ng murder sa Manila Prosecutors Office.