MANILA, Philippines - Bumulagta ang isang pinaniniwalaang holdaper nang makipagpalitan ng putok sa miyembro ng Manila Police District (MPD) na rumesponde sa isang babaeng biniktima ng una sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang hindi pa nakikilalang suspect sa edad na 32 hanggang 35; may taas na 5’8’’, nakasuot ng itim na t-shirt at maong na pantalon.
Ayon sa report, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng M. dela Fuente at España Sts. Sampaloc, Maynila.
Nagpapatrulya umano sa lugar sina PO2 Benito Casauiay at PO2 Reynaldo Libo, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 4 nang hingan ng tulong ng biktimang si Mylene Abril, 36, at itinuro ang tumatakas na holdaper. Nang habulin ng dalawang pulis ang suspect ay doon umano nagsimulang paputukan ng suspect ang dalawa hanggang sa gantihan siya ng mga putok na naging dahilan ng kamatayan nito.
Narekober sa suspect ang bag ng biktima na may lamang cash na P2,000, cellphone at make-up kit. Nakuha sa tabi ng bangkay ng suspect ang kalibre 38.
Inilagak sa Universal Funeral Parlor ang bangkay para sa autopsy at safekeeping.