German national nagbigti

MANILA, Philippines - Hinihinalang depresyon dahil sa problema sa pananalapi ang nagtulak sa isang German national na wakasan ang sariling buhay makaraang umano’y magbigti sa hardin ng kanilang tahanan kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.

Malamig nang bangkay ang 72-anyos na si Riche Lechler, retiradong inhinyero, nang madiskubre ang ginawa nitong pagbibigti sa hardin ng kanilang tahanan sa Vermillon Road, Camella Homes II, Brgy. Talon Dos, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Las Piñas Police, dakong alas-6:45 ng gabi nang madiskubre ng misis nitong Pinay na si Maria Theresa Lechler, 50, ang ginawang pagbibigti ng mister nang umuwi buhat sa paggo-grocery.

Sinabi ng ginang na hinanap niya ang asawa ngunit nagtaka siya nang hindi ito sumasagot at hindi makita sa loob ng bahay. Nang lumabas siya, dito niya nakita ang mister na nakabigti sa isang istruktura sa kanilang hardin at wala nang buhay.

Sa imbestigasyon, sinabi nito na may ilang araw na rin niyang napapansing tahimik ang kanyang asawa dulot umano ng kanilang problema sa pananalapi.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matiyak na walang foul play na naganap sa insidente.

Show comments