MANILA, Philippines - Patay ang isang call center agent na kagagaling lamang sa trabaho makaraang saksakin sa leeg at barilin pa ng dalawang holdaper na tumangay sa bag nito, kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Naisugod pa sa Medical City Hospital ang 27-anyos na si Geral Tiangco, ng Dr. Sixto Antonio Avenue, Brgy. Maybunga ngunit hindi na rin naisalba ang buhay nito.
Sa inisyal na ulat ng Pasig City Police, naganap ang krimen dakong alas-5 ng madaling araw sa kanto ng C-5 Road northbound at Dr. Sixto Antonio Avenue, sa naturang lungsod. Kagagaling lamang ng biktima sa magdamag na trabaho at papauwi na nang isang motorsiklo lulan ang dalawang salarin ang huminto sa tapat nito.
Walang sabi-sabing biglang tinarakan agad ng mga salarin ang biktima ng balisong sa leeg at isang beses pang binaril saka hinablot ang dala nitong bag bago pinaharurot ang motorsiklo tungo sa hindi mabatid na direksyon.
Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa krimen habang muling nagbabala lalo na sa mga nagtatrabaho sa madaling araw sa uri ng modus-operandi ng mga holdaper.
Matatandaan na nagpatupad noon ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa panahon ni General Nicanor Bartolome ng “one-strike policy” kapag may nangyayaring krimen sangkot ang “riding-in-tandem” na ibinasura ngayon ng pulisya.