MANILA, Philippines - Isang negosyante ang patay habang isa pa ang nasa malubhang kalagayan matapos na ratratin ng dalawang riding in tandem suspect ang kanilang SUV sa lungsod Quezon kahapon
Sa inisyal na ulat nina PO3 Jogen Hernandez at PO3 Loreto Tigno ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit, nakilala ang nasawi na si Simon Pangan, ng Marikina City habang itinakbo naman sa Far Eastern University Hospital si Manuel Dadivas.
Nakaligtas naman sa insidente si Manuel Joson na kasama din ng mga biktima sa sasakyan nang mangyari ang ambush.
Lumilitaw na nangyari ang insidente sa may Doña Nicasia Subdivision, corner Samsung St., Brgy. Commonwealth ganap na alas 12 ng tanghali.
Ayon kay Joson, sakay sila ng isang Honda CRV (GYB-808) na minamaneho ni Pangan nang pagsapit sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang dalawang motorsiklo na kapwa may mga angkas.
Mula dito ay biglang nag labas ng kalibre 45 baril ang mga suspect at pinaulanan ng bala ang kanilang sasakyan partikular na tinumbok ang kinalalagyan ng biktimang si Pangan.
Nabatid na nagawa pang makalabas ni Pangan ng kanyang sasakyan at makatakbo, pero sinundan siya ng mga suspect at muling pinaulanan ng bala sa katawan at ulo na agad nitong ikinasawi.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect sakay ng kanilang mga motorsiklo.
Ayon pa kay Joson, nagpunta ang biktima sa lugar dahil may katransaksyon itong tao na pagbibilhan nito umano ng ELF, pero nagulat na lang sila nang tambangan ng mga nakamotorsiklong suspect.
Samantala, narekober sa lugar ang gamit ng biktima at isang bag na naglalaman ng perang P120,000 na siyang pambibili umano ng naturang sasakyan at tinatayang nasa 20 basyo ng kalibre 45 baril.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente upang matukoy ang motibo ng nasabing pamamaslang.